By Ilang-Ilang D. Quijano
Pinoy Weekly
Obligado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na kagyat na ilipat ang 38 sa detenidong mga doktor at health worker sa Kampo Crame, matapos katigan ng Regional Trial Court Branch 78 sa Morong, Rizal ang nauna nitong desisyon na tanggalin sa kustodiya ng militar ang ‘Morong 43’.
Inaasahan ng mga kaanak at tagasuporta ng Morong 43 na maililipat ang mga detenido anumang oras, matapos ilabas kahapon ni Acting Presiding Judge Amorfina Cerrado-Cezar ang desisyon.
“In view of the transfer of the forty seven (47) policemen detained in PNP Custodial Center, Camp Crame, Quezon City to the Metro Manila District Jail, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City on April 17, 2010, the order of this court dated April 7, 2010 is hereby reiterated,” nakasaad dito.
Ibinasura ng korte ang Motion for Reconsideration na inihain ng PNP para harangin ang paglipat ng mga detenido sa Kampo Crame, sa dahilang “walang espasyo” diumano para sa kanila sa Custodial Center. Nakarating na sa Quezon City ang mga detenido mula sa Kampo Capinpin sa Tanay, Rizal nang pabalikin sila ng PNP noong Abril 10.
Pero ayon sa bagong desisyon ng korte, tiyak na may espasyo na para sa kanila dahil sa paglipat kamakailan ng 47 pulis na suspek sa masaker sa Ampatuan, Maguindanao.
“This decision is immediately executory. Unless a Temporary Restraining Order (TRO) is issued by the higher courts, the AFP and PNP will have to comply,” sabi sa panayam ni Atty. Julius Matibag, isa sa mga abogado ng Morong 43 at tagapagsalita ng National Union of People’s Lawyers.
Idinagdag ni Matibag na kakasuhan nila ng contempt of court ang kaukulang mga opisyal ng AFP at PNP kapag hindi naisagawa ang paglipat.
Pangako ni Hen. Segovia
Sa isang text message umano kay Atty. Rachel Pastores, isa pang abogado ng Morong 43, ipinangako ni Hen. Jorge Segovia, hepe ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, ang paglipat ng mga detenido bukas, Abril 25.
Hihintayin naman ng mga kaanak, tagasuporta, at abogado ang paglipat sa susunod na dalawang araw.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga abogado ng Morong 43 na naghain ang PNP ng Omnibus Motion sa RTC para muling pigilan ang paglipat—ito umano ang dahilan kung bakit hindi nailipat ang mga detenido ngayong araw.
Pero ayon kay Matibag, “This new court order cannot be assailed by a second motion for reconsideration.”
Hunger strike
Nangako naman ang mga kaanak at tagasuporta ng Morong 43 na maglulunsad sila ng hunger strike kapag hindi muling matuloy ang paglipat. Walong araw na silang nagsasagawa ng fasting para sa paglipat ng mga detenido, na tuluy-tuloy na dumaranas ng tortyur sa kamay ng militar.
“Lumalala kada araw ang sitwasyon ng detenidong mga health worker sa Kampo Capinpin. Bukod sa verbal harassment, lagi silang pinapatayan ng ilaw at hindi binibigyan ng tubig…Mahalagang wala sila sa kustodiya ng militar na walang respeto sa kanilang karapatang pantao,” sabi ni Dr. Julie Caguiat, tagapagsalita ng Free the 43 Health Workers Alliance.
Binatikos naman ni Dr. Geneve Rivera, pangkalahatang kalihim ng Health Alliance for Democracy, ang patuloy na pagsuway ng AFP at PNP sa mga korte.
“Ipinapakita nila kung kaano kadali lamang mabalewala ang civilian authority. Ipinapakita nila sa lahat ng mga Pilipino na ang mga prosesong ligal ay ginagamit lamang ng gobyerno para mapawalang-sala ang kanyang mga alyado at parusahan ang kanyang mga kaaway,” aniya.
Tinutukoy niya ang pagpapawalang-sala kamakailan ni Kal. Alberto Agra ng Department of Justice sa dalawang miyembro ng pamilya Ampatuan, habang patuloy na nakadetine ang mga doktor at health worker na pinaparatangang rebelde.
Limang ‘di isinama
Samantala, sa Abril 27, bibisita ang Commission ng Human Rights (CHR) sa limang detenido na sinasabi ng militar na bumaligtad at magiging “state witness.” Hindi isinama sa paglipat sa Kampo Crame sina Valentino Paulino, Cherrylyn Tawagon, Ellen Carandang, Genalyn Pizzaro, at John Mark Barientos.
Iimbestigahan ng CHR ang alegasyon na tinortyur ang lima para umaming miyembro ng New People’s Army.
Ibinunyag din ni Matibag na kakasuhan nila sa Integrated Bar of the Philippines ng disbarment o pagtanggal ng lisensiya sina Atty. Cyrus Jurado at Atty. Hilda Saclay-Clave dahil sa “violation of the right to independent counsel of the accused.”
Umano’y malinaw na kinutsaba ng militar ang dalawa, na nagpapakilalang bagong abogado ng limang health worker at nagpapirma ng kanilang bago at kuwestiyunableng mga salaysay.
PhilHealth anomalies continue under Duterte
6 years ago
No comments:
Post a Comment
Posts with advertisement links will be rejected / deleted!
Justice for the 43!